AlDub ayaw sumuko: Alden, Maine ‘baby’ nakatago raw sa isla

Petsa na lang at kung saan gaganapin ang kasal ang kulang sa kuwento ng engagement nina Congressman Arjo Atayde at Maine Mendoza.

Sa paglutang ng balita ay siguradong sangdamakmak na miyembro ng AlDub Nation ang naghagulgulan, ang nagalit nang todo sa aktor-politiko, ang namatayan ng pangarap para sa pagmamahalan nina Maine at Alden Richards.

Ito ang katotohanan ng buhay na kailangang tanggapin ng mga tagahanga ng mga artista. Iba ang pagmamahalan lang sa harap ng mga camera.

Hindi totoo ‘yun. Pang-camera lang ‘yun. Ibang-iba rin ang pagmamahalan sa likod ng mga camera. ‘Yung nakatago, ‘yung hindi napapasok ng publiko, ‘yung para sa mga nag-iibigan lang.

Siguro naman dahil nagpahayag na ng plano si Arjo na pakasalan na si Maine, na tinanggap naman ng Dubsmash Queen, ay isusuko na ng mga tagahanga nila ng Pambansang Bae ang kanilang laban.

Hanggang ngayon kasi ay meron pang mga natitirang tagasuporta ang AlDub na buung-buo ang paniniwala na may relasyon ang kanilang mga idolo.

Meron pa ngang mga nagpapakalat ng kuwento na may anak sina Alden at Maine, lalaki raw ang bata, itinatago lang.

Minsan ay meron pang naghamon sa amin, sumama raw kami sa kanila at ipakikita nila sa amin ang produkto ng pagmamahalan ng kanilang mga idolo, magtatawid-dagat daw kami dahil nakatago ang bata sa isang isla.

Nang hindi namin patulan ang hamon ay galit na galit ang mga tagahanga nina Alden at Maine, ‘yun na raw sana ang pagkakataong mapatunayan nila sa amin ang katotohanan, pero binalewala lang namin.

Kailangan na nilang isuko ang kanilang laban ngayong magpapakasal na si Maine kay Arjo. At dapat din nilang tanggapin ang katotohanan na kahit minsan ay hindi naman nagkaroon ng relasyon sina Maine at Alden.

Masyado lang silang nagpailalim sa kanilang paghanga, hindi nila naihiwalay ang totoo sa pang-camera lang, nakakaawa naman sila.

Tapos na ang ilusyon. Kailangan nang harapin ng mga taong ‘yun ang katotohanan. Si Maine ay para kay Arjo at hindi para kay Alden.

Paggamit kay Tita Cory ‘di palalampasin ng mga dilawan

Maingay na maingay ang pelikulang “Maid In Malacanang.” Dalawang tulog na lang at ipalalabas na ang napapanahong proyekto sa mga sinehan na sasabayan pa ng pagpapalabas nito sa iba-ibang bansa.

Maingay dahil naghihintay ng rebelasyon ang ating mga kababayan. Maingay dahil gustong masaksihan ng mga Pinoy kahit sa katsang-telon lang kung ano ang naganap sa huling tatlong araw sa buhay ng Unang Pamilya bago sila ipinatapon sa Hawaii.

Nakita natin kung paano napuno ang EDSA ng mga nagtataas ng kamao laban sa pamilya, nasaksihan natin ang pagbaligtad ng katapatan ng mga dating kaalyado ng dating pangulo, pero kumusta ba ang pamilya sa huling pitumpu’t dalawang oras ng pag-aaklas?

‘Yun ang mahikang meron ang pinamahalaang pelikula ni Darryl Yap na kinokontra naman ng mga anti-Marcos. ‘Yun ang gustong mapanood ng ating mga kababayan. ‘Yun ang gustong tuklasin ng mga Marites ng bansang ito.

Tingnan natin kung ano ang mararamdaman ng mga Dilawan sa paglalantad ng kuwento ng pelikula sa tatlong huling araw ng pamilya Marcos sa ating bayan.

‘Yun kasi ang hindi natin nasilip, ‘yun ang nanatiling tandang-pananong sa isip ng mga Pinoy nang ipatapon ang pamilya sa Hawaii sa halip na sa Paoay, masarap makiusyoso.

Magiging maingay rin ang mga reaksiyon pagkatapos maipalabas ang “Maid In Malacanang.” Lalo na ‘yung eksenang naglalaro ng mahjong ang pumanaw na dating Pangulong Cory Aquino, siguradong tututulan ‘yun ng mga Dilawan, hindi nila palalampasin.

Maki-Marites tayo sa pelikula ni Direk Darryl Yap.

The post AlDub ayaw sumuko: Alden, Maine ‘baby’ nakatago raw sa isla first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/A7UPa61
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada