Gonzaga, Army hahabol sa semis

Mga laro ngayon: (FilOil Flying V Arena)
11:30am — Black Mamba vs Creamline
2:30pm — Cignal vs PLDT
5:30pm — Petro Gazz vs Choco Mucho
PANIGURADONG gagawin lahat ni Jovelyn Gonzaga at ng Army-Black Mamba Lady Troopers kontra powerhouse Creamline Cool Smashers na nagnanais masungkit ang isang silya sa semifinals sa 2022 Premier Volleyball League (PVL) Invitational Conference sa FilOil Flying V-Arena sa San Juan City, Sabado.
Matapos bitbitin ang Lady Troopers sa panalo laban sa talsik nang Chery Tiggo Crossovers nitong Martes nang magpasiklab ito sa opensa at depensa sa kabuuang 15 puntos mula sa 12 atake at 3 blocks, tatangkain ng 31st Southeast Asian Games beach volleyball bronze medalist na makasilat sa grupo ni Alyssa Valdez sa unang laro ng triple game sa alas-11:30 ng umaga.
Winalis ng Lady Troopers ang Chery Tiggo sa tatlong set 25-20, 25-23, 25-22 sa pagbabalik ni coach Emilio “Kung Fu” Reyes Jr. na hindi nasilayan ng dalawang laro sa kopooan, ngunit patuloy na hinihintay ang pagbabalik ni Michelle Morente at Honey Rose Tubino.
Subalit magiging posible lahat ng plano ng koponan kung patuloy na magbibigay ng magandang mga pasa ang playmaker na si Ivy Perez na rumehistro ng 18 excellent sets, kaantabay ang 6 na puntos.
Pormal namang pumasok sa semifinals ang Cool Smashers nang padapain ang palabang Chery Tiggo nitong Huwebes 25-14, 25-20, 21-25, 28-26.
Nagbida sina Jema Galanza (23 points/7 receptions), 2022 Open Conference MVP Tots Carlos (20 points/14 digs) at team captain na si Valdez (16 points/13 digs) para sa Creamline. (Gerard Arce)
The post Gonzaga, Army hahabol sa semis first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/RguG3bM
via IFTTT
Comments
Post a Comment