Proseso para maitama ang maling kasarian sa birth certificate alamin

Magandang araw, Mga Kakampi!
Ano nga ba ang gagawing hakbang para maitama ang maling detalye sa inyong birth certificate?
Ito ang naging sentro ng talakayan sa ating Free Legal Helpdesk kamakailan, kung saan nakasama natin si Atty. Angelisa Razo sa pagsagot sa inyong mga katanungan.
Nagulat kami sa dagsa ng mga tanong. Marami pala sa ating mga kababayan ang may problema sa kanilang birth certificate.
Naririyan na ang maling petsa, kasarian at spelling ng pangalan. Katulad na lang ng mga problemang ito:
Hello po Atty. Chel. Ano po ba ang puwede gawin kapag mali ang gender po. Male po kasi ang nakalagay sa akin pero babae po ako. Noong nakaraang taon nagtanong ako sa city hall, may mga pinapakuha po requirements at may babayaran po ako ng P5,000 po.
Atty. Chel same issue din po sa gender change. Kasi po iyong kapatid ko babae tapos male po sa birth certificate. Sabi po sa amin sa munisipyo aabutin dawn g 8k to 10k kasi sabi po ipapa-diyaryo daw siya. Sabi po ng school niya, baka hindi daw siya maka-graduate. Naka-hold din po iyong mga transcript niya sa previous school niya dahil po sa birth certificate niya.
Puwede po palitan ang maling kasarian sa pamamagitan ng prosesong administratibo sa Local Civil Registrar sa ilalim ng Republic Act 10172.
Ngunit may mga requirement na kailangang ibigay sa LCR upang patunayan na ang pagpapalit ng kasarian sa birth certificate ay typographical error lang at hindi sa ibang bagay.
Kabilang dito ang pinakamaagang school record o medical records upang maipakita natin ang totoong kasarian.
Dapat ding magsumite ng dokumento mula sa religious authorities gaya ng baptismal certificate na nagpapakita ng kasarian.
Bukod pa riyan, kailangan din ng certification mula sa isang accredited na doktor ng gobyerno na nagpapatunay na hindi kayo dumaan sa sex change o sex transplant operation.
Nagkaroon kasi ng isang kaso na umabot sa Supreme Court (SC) kung saan ang tao na naghain ng petisyon para palitan ang kanyang kasarian ay sumailalim sa isang sex change operation.
Sa desisyon ng Korte Suprema, hindi itong puwedeng gawin kung nagpapalit ng kasarian ang isang tao sa pamamagitan ng operasyon. Ngunit ito’y hiwalay na isyu sa ating pinag-uusapan sa ngayon.
Napansin ko rin ang halaga na inyong nabanggit. Medyo mataas ang halaga na sinisingil sa inyo dahil sa implementing rules and regulations (IRR) galing sa LCR, P3,000 lang ang dapat bayaran sa petisyon sa pagpapalit ng kasarian.
Kung ikaw naman ay nasa abroad o lumipat na ng lugar at nais maghain ng migrant petition, kailangan mo lang magdagdag ng P1,000 sa babayaran.
Mas mabuti kung linawin niyo sa LCR sa inyong lugar ang halaga na dapat bayaran sa pagbabago ng kasarian upang hindi na madagdagan pa ang inyong gastos.
Sa susunod nating column, sasagutin natin ang iba pang mga isyu at problema na may kinalaman sa birth certificate.
Hanggang sa muli. Tandaan, kay Atty. Chel Diokno ang dehado, lliyamado!
The post Proseso para maitama ang maling kasarian sa birth certificate alamin first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/5sjyfX3
via IFTTT
Comments
Post a Comment