Ang ‘bodabil’ ng SONA

Sa tuwing sasapit ang State of the Nation Address (SONA) ng pangulo ng ating Republika, iba’t-ibang pakulo at mga kaganapan ang paulit-ulit natin natutunghayan taon-taon. Para ka na lang nagbabasa ng lumang script ng isang pelikula o bodabil.
Umaga pa lang ay makikita mo na ang mga raliyista malapit sa Batasang Pambansa. Nakikipag-patintero ang mga ito sa kagawad ng pulis. Ito yung mga grupo na di na yata nauubusan ng sasabihin laban sa kahit sinong maluklok na pangulo. Kontra-pelo.
Pero sadyang ganyan talaga ang demokrasya, gawin at sabihin na ang gusto, huwag na lang manggugulo.
Sa loob naman ng gusali ng Batasan ilang oras bago magsimula ang SONA ay makikita natin na lumalakad sa red carpet ang mga miyembro ng dalawang kamara ng Kongreso at mga asawa nila na nababalot ng magagarbong kasuotan.
Ilan dito ay libo-libo ang halaga at gawa ng mga pamosong mananahi. Sabi tuloy ng mga hampaslupang nanood sa mala-prusisyong kaganapan, “Sana ipinamigay na lang nila sa mahihirap ang ipinambili nila ng magagarang damit na yan.”
At meron din naman na kundi sadyang matipid ay nagpapanggap lang na maka-mahirap at ang suot ay binili lang umano sa “Divi’ o sa mall.
Subalit lahat nang iyan ay nagsisilbi lamang kulay at pang-alliw sa atingnanonood ng SONA.
Ang tunay na SONA ay isang obligasyon sa ilalim ng ating Saligang Batas kung saan ang Punong Ehekutibo ay mag-uulat ukol sa aktwal na kalagayan ng bansa, ihayag ang mga planong gawin ng gobyerno sa susunod na taon, at magpanukala sa Kongreso ng mga batas at hakbangin para sa kapakinabangan ng buong bansa.
Masarap sana makinig ng SONA kung yung pangulo na nagsasalita ay talagang totoo ang pinagsasasabi at di puro pambobola at palamuti lamang gaya na lang halimbawa ng ‘bankang papel’ ni PGMA ay yung ‘walang wang-wang’ ni PNoy.
Sa totoo lang, nawalan na ako ng gana manood ng SONA matapos ang 2016 dahil inabot ng halos dalawang oras ang talumpati ni Ginoong Duterte sa sobrang dami ng pasakalye. Parang buang sa kanto na patalon-talon ang sinasabi.
Dapat ay simplehan na lamang ang pagsasagawa ng SONA na wala na ang mga kaartehan na pagandahan ng kasuotan.
Maging sensitibo sana ang mga nanunungkulan sa pamahalaan, kasama na ang Pangulo, na marami pa ring Pilipino ang naghihikahos makalipas ang pagsasadula ng daan-daang SONA mula pa nang itanghal ang republika.
Gawin sana itong pagkakataon para sa Pangulo na makapanumpa sa taong bayan kung ano lamang ang kaya niyang gawin at hindi kayang gawin sa bawat taon ng kanyang panunungkulan.
Di na natin lilitanyahin ang mga sinabi at di nagawa ng mga nakaraang Pangulo ng bansa. Patunay ang nagdudumilat na kahirapan, laganap na korapsyon at droga, ang lumalaking agwat ng mayaman at mahirap, at ang di patas na paghahatid ng hustisya sa ating mamamayan.
Lahat ng mga suliranin na iyan ay patuloy lamang na nawawalis sa ilalim ng lamesa ng mga nasa pamahalaan sa tuwing natatapos ang SONA taon-taon.
Nakakaumay na ang taon-taon na bolahan. Doon naman tayo sa totohanan.
The post Ang ‘bodabil’ ng SONA first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/Mhb9sTS
via IFTTT
Comments
Post a Comment