Ayuda sa Solo Parents (Part 2)

Kagaya ng aking naipangako, hihimayin ko pa sa kolum natin ngayon ang mga nilalaman ng Solo Parent’s Welfare Act, kung saan isa ako sa pangunahing may akda, para mas maunawaan ng lahat ng benepisyaryo nating mga kababayan.

Madalas kong nakikita sa mga social media post ngayon lalo na sa mga kabataan ang katagang “sanaol” o “sana all.” Ibig palang sabihin nito, sana sa lahat or sana sila rin. Alam naman natin na maraming solo parent ang umaasam na makakuha ng mga benepisyo na ibinibigay ng Republic Act (RA) No. 11861 lalo na sa nabibilang sa mga naghihikahos nating kababayan.

At para makapag-avail ang ating mga kababayan, may mga panuntunang kailangang sundin para magkuwalipika ang isang solo parent sa kanyang aplikasyon sa pagkuha ng Solo Parent Identification Cards (SPICs) at booklets na magmumula sa kani-kanilang mga local government units (LGUs).

Natalakay na natin noong isang linggo ang mga dapat gawin upang makakuha ng Solo Parent Identification Cards (SPIC) at booklets ang mga aplikante na naging solo parents dahil wala silang asawa, namatayan sila ng asawa o mga nabuntis na inabandona ng kanilang kapartner.

Para naman sa solo parent na ang asawa ay nakakulong dahil sa kasong kriminal, kailangang magsumite ang isang aplikante ng birth certificate ng anak, marriage certificate, certificate of detention ng asawang nakakulong at magmumula ito sa isang law enforcement agency na magpapatunay na ang asawa ay nasa kulungan sa loob ng tatlong buwan pataas. Kailangan ding magsumite ng sworn affidavit na nagdedeklarang ang solo parent ay walang kinakasamang iba at mag-isang nagtataguyod ng kaniyang anak.

Sa solo parent na ang asawa ay merong mental o physical incapacity para gampanan ang tungkulin sa pamilya, kailangang magsumite ang aplikante ng birth certificate ng anak, marriage certificate o affidavit of cohabitation, medical record o medical abstract na magpapatunay na ang kanyang asawa ay incapacitated o walang kakayahang magtrabaho, sworn affidavit na nagdedeklarang walang kinakasamang iba ang solo parent at mag-isang nag-aaruga sa mga anak.

Ang mga solo parent naman na nakapagpa-annul o napa walang bisa na ang kasal o diborsyada o diborsyado ay kailangang magsumite ng birth certificate ng anak, marriage certificate, judicial decree of nullity o annulment of the marriage o judicial recognition of the foreign divorce, sworn affidavit na wala itong kinakasamang iba.

Para naman sa aplikanteng inabandona ng asawa, kailangan pa rin ng birth at marriage certificates, police o barangay record na magpapatunay na inabandona siya ng asawa, affidavit ng dalawang disinterested persons na nagsasaad na ang SPIC applicant ay inabandona ng asawa, sworn affidavit na walang kinakasamang iba ang solo parent at mag-isang nagtataguyod ng anak.

Sa aplikanteng asawa ng OFW o overseas Filipino worker na sakop ng bagong batas, kailangan ang birth and marriage certificates, overseas employment certificate (OEC) ng asawang OFW o kahalintulad na dokumento, copy of passport stamps na magpapakitang sa loob ng nakaraang 12 buwan ay nagtatrabaho ang asawa sa ibang bansa, employment contract ng OFW at sworn affidavit na nagdedeklarang ang aplikante ay walang ibang kinakasama at mag-isang nagpapalaki ng anak.

At para naman sa mga kaanak o kapamilya hanggang sa fourth civil degree of consanguinity or affinity ng magulang o legal guardian na siyang kumakalinga sa mga anak, puwedeng mag-apply ng SPIC card sa pamamagitan ng pagsusumite ng birth certificates ng bata, death certificates ng magulang o legal guardian, police or barangay records na magpapatunay na ang mga magulang at legal guardian ng bata ay wala na sa loob ng mahigit anim na buwan pataas, affidavit ng isang barangay official na magpapatunay na ang aplikante ay ang nag-aalaga sa mga bata, at sworn affidavit na nagsasaad na ang aplikante ang mag-isang sumusuporta at nag-aaruga sa mga bata.

Isa rin sa nilalaman ng RA 11861 ay ang “prioritization of solo parents.” Ang “prioritization” ay may kahulugang uunahin sila o bibigyang prayoridad sila at ang kanilang mga anak sa hiring sa trabaho, sa mabibigyan ng apprenticeship, scholarship, livelihood training, sa mga programang pang-OFWs, sa mga programang para sa mahihirap na ipinagkakaloob ng mga ahensyang kinabibilangan ng: Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), Department of Trade and Industry (DTI), Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepEd), Department of Labor and Employment (DOLE), Department of Migrant Workers (DMW) at iba pang kahalintulad na ahensya ng gobyerno.

Hindi lang yan. Prayoridad din ang mga solo parents para sa alokasyon ng mass housing na may katanggap-tanggap na payment terms sa mga low-cost na pabahay lalo na ang mga kabilang sa tunay na mahihirap.

Bukod dito, may karapatan ang mga solo parents na mabigyan ng 7-day parental leave with pay kahit ano pang status nila sa pinagtatrabahuhan. Muli, prayoridad din ang mga solo parent sa anumang “telecommuting program” sa kanilang pinagtatrabahuhan.

Ako po ay co-author din ng RA 11165 na mas kilala bilang “Telecommuting Act of 2018.” Ang batas na ito ay sumasaklaw sa “work arrangement” kung saan pinapayagan ang isang empleyado sa pribadong sector na magtrabaho sa isang alternatibong lugar gamit ang telecommunication o computer technology.

At dahil naiintindihan natin na ang mga solo parents ay may mapanghamong sitwasyon sa buhay sa sabayang pagtatrabaho at mag-isang pag-aaruga ng kanilang mga anak, dapat lamang silang gawing prayoridad kapag may telecommuting program sa kanilang pinagtatrabahuhan. Nasa batas po iyan na co-author din tayo.

Bukod sa mga prayoridad na nabanggit, ang mga solo parents na may annual income na P250,000 o mas mababa pa ay entitled na makatanggap ng 10% discount gayundin ng exemption sa 12% value-added tax (VAT) kapag bumibili sila ng baby’s milk, food and micronutrient supplements, sanitary diapers, at mga gamot na inireseta sa kanilang anak na may edad na 6 pababa.

At meron pang automatic coverage sa ilalim ng health insurance program ng PhilHealth ang mga manggagawang kabilang sa informal economy, kung saan ang national government ang magbabayad sa kanilang premium contributions o ambag. Para naman sa solo parents na ikinukonsiderang kabilang sa formal economy, ang kanilang premium contributions ay paghahatian ng national government at kanilang employers.

Kung talagang maipatutupad ang batas, napakarami talagang mga benepisyo ang tatanggapin ng mga solo parents natin sa ilalim ng RA 11861. Kaya dasal lamang namin na sana nga ay maibigay ang lahat ng benepisyong ito sa mga solo parents natin dahil ito’y matagal na nilang pinakaaantay.

The post Ayuda sa Solo Parents (Part 2) first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/tTSQ1sL
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada