Bagong paborito

Matapos ang anim na taong paglilingkod bilang opisyal ng gobyerno ay balik na po tayo sa pagiging pribadong indibidwal.
Isa sa gustong-gusto kong gawin ngayong marami na akong sapat na oras ay ang hilig ko sa pagluluto para sa pamilya ko na hindi ko nagagawa noong nasa gobyerno pa ako dahil sa mahigpit na schedules at mga aktibidad sa Malacanang o kaya ay kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Dahil hawak ko na ang sarili kong oras at panahon, nagagawa ko ng lutuin ang mga paborito kong kainin at ng pamilya ko at sabay-sabay naming pinagsasaluhan ang aking obra-maestro sa kusina man yan o sa labas ng bahay.
Simpleng lutong almusal man o kaya ay pananghalian, merienda o hapunan ay kasiyahan ko nang ipagluto ang aking pamilya dahil isa itong pagkakataon para magkasama-sama kami sa hapag kainan, at magkaroon ng “quality time”.
Masarap sa pakiramdam na nagsasalo-salo at magkasama sa pagkain ang buong pamilya at ito ay hindi ko maipagpapalit sa kahit ano pa mang bagay sa mundo.
Kaya naman po ngayong marami na akong panahon, at hawak ko na ang sarili kong oras, nagagawa ko ng magluto ng mga all-time favorite Pinoy breakfast meals para sa aking pamilya.
Halimbawa po dito ang sardinas, itlog- malasado man ‘yan o sunny side up, at parisan ng garlic rice! simpleng almusal subalit masarap at napakadaling lutuin.
Isa pa sa paborito kong almusal ay bacon at ilog, syempre hindi mawawala ang garlic rice at samahan pa ng kamatis na talaga namang gaganahan ka sa pagkain.
Hindi rin puwedeng isnabin ang isa sa aking paborito na Cebu Chorizo na may kasamang itlog at garlic rice na talagang namang patok sa aking pamilya.
Naalala ko noong kabataan ko, ang Cebu Chorizo ang palaging pasalubong ng aking lolo tuwing uuwi sa amin sa Surigao City kapag galing ito sa Cebu kaya hanggang ngayon ay dala-dala ko ang alaalang ito mula sa aking Tatay Sunsing.
Siyempre hindi rin po puwedeng mawala ang beef tapa flakes kapag nag-crave ng tapsilog at puwedeng lutuin ito kahit sa anong oras na gustong kumain ng tapsilog. Subukan po ninyo ang beef tapa flakes, tiyak na uulit-ulitin niyo ito.
Isa pang paboritong Pinoy almusal ay corned beef, na may kasamang itlog na pula, garlic rice at kamatis na talaga namang gaganahan ka sa pagkain.
Pero hindi lang po Pinoy breakfast ang kaya ko pong gawin, kaya ko ring mag-bake ng tinapay. Bisitahin po ninyo ang aking Instagram para makita ninyo kung gaano kasaya mag-bake kasama ang aking pamilya. Isa po itong magandang paraan ng bonding at pagkakaroon ng quality time kasama ang pamilya.
Silipin din po ninyo ang aking Argentinian dinner na Bife de Ojo plus lomo at lamb chops na niluto sa brick oven pati na ang aking grilled Argentinian lomo na pinagsaluhan naman namin sa tanghalian.
May mga nagtatanong sa aking Instagram post kung paano gawin ang Argentinian lomo kaya inilagay ko na po doon ang mga sangkap na maaring gamitin pati na siyempre ang video mismo kung paano ko ito ginawa na alam kong natakam kayo.
Abangan po ninyo ang mga susunod ko pang posts sa aking Instagram at Facebook account—Martin Andanar—para sa mas marami pang nakakatakam na pagkain at sana ay may matutunan kayo.
Kagaya nga po ng sabi ko, hindi lamang pagluluto ang layunin ko sa aking mga posts kundi ang magkaroon ng quality time sa aking pamilya na nag-eenjoy ding tumulong sa paghahanda. One team effort, walang kapalit na saya.
from Abante https://ift.tt/OMl72XL
via IFTTT
Comments
Post a Comment