Driver na may sakay na senior wala bang huli sa No-Contact Apprehension Program?

Magandang araw, Mga Kakampi!
Isa sa mainit na pinag-uusapan ngayon ng mga motorista ang No-Contact Apprehension Program (NCAP).
Upang matalakay nating mabuti ang NCAP, inimbitahan ko sa ating Free Legal Helpdesk si Atty. Robby Consunji, isang motoring enthusiast at aking go-to-guy pagdating sa mga batas na nakakasaklaw sa transportasyon at trapiko
Sa paliwanag ni Atty. Consunji, ang NCAP ay binuo ng Department of Transportation (DOTr) upang hikayatin ang mga lokal na pamahalaan na magpatupad ng no-contact apprehension program.
Sinabi rin ni Atty. Consunji na ang NCAP ay gumagamit ng computer-government algorithm para madetermina ang paglabag sa trapiko ng isang motorista.
Sa ngayon, Paranaque, Manila, Valenzuela, Quezon City, Cauayan, Isabela, at Balanga, Bataan ang nagpapatupad ng NCAP.
Nakatulong ko rin si Atty. Consunji sa pagsagot ng mga tanong na ating natanggap ukol sa NCAP, gaya ng mga sumusunod:
How will you serve the violations to them? How will they know that have already violated?
Ayon kay Atty. Consunji, nagmo-monitor ang mga nasabing lugar ng traffic violations sa mga CCTV. Kapag may nakita silang paglabag ng motorista, ihahambing nila ang plate number ng sasakyan na nakita nila sa CCTV sa record ng Land Transportation Office (LTO). Ipadadala ng local na pamahalaan ang notice of violation sa pangalan at address na nakalagay sa record ng LTO.
Question ko lang diyan. Paano kung di ako yung nag-drive ng kotse ko that time at nahuli siya. Ano kaya puwedeng gawin? Sana sinaayos din muna ang road condition bago iyang contactless na iyan.
Ang notice of violation ay ipadadala sa nakarehistrong may-ari ng sasakyan. Pero kung hindi registered owner ang nagmamaneho nang mangyari ang paglabag sa batas trapiko, maaari niyang ipaalam sa siyudad kung sino ang nagmamaneho nang mangyari ang paglabag upang sa kanya ipadala ang notice of violation.
Paano po kung ang pasahero ng sasakyan ay mga seniors? Ang sa alam ko po walang tiket or violation pwede ikaso sa drivers if seniors ang sakay niya. Correction will be appreciated po.
Sa kagaya kong senior, iyan din ang gusto ko – ang magkaroon ng exemption ang seniors sa mga paglabag sa batas trapiko. Ikinalulungkot kong sabihin sa iyo na walang exemption ang seniors sa huli sa traffic violations. Basta’t lumabag sa driver, kahit sino ang nakasakay sa kanyang sasakyan, matitiketan pa rin siya. Ang payo ko sa inyo, ingat-ingat na lang sa pagmamaneho dahil ang ating batas ay patas na ipinatutupad sa lahat.
Ise-send po ba ang video sa driver?
Ayon kay Atty. Consunji, kasama iyong link ng video sa notice of violation. Puwede mong puntahan ang link sa website ng lokal na pamahalaan, at doon mo makikita ang video at screenshot ng iyong violation, pati na ang plate number ng sasakyan. Makikita naman natin agad kung may batayan ang paglabag.
-ooo-
Sa susunod nating kolum, tatalakayin pa natin ang mga tanong at suhestiyon ukol sa NCAP.
Hanggang sa muli. Tandaan, kay Atty. Chel Diokno ang dehado, liyamado!
from Abante https://ift.tt/ED8Mzmr
via IFTTT
Comments
Post a Comment