Eala inalay panalo sa mga nilindol

HINANDOG ni World No. 282 Alexandra “Alex” Eala ang kanyang maigting na straight sets na panalo sa quarterfinal round kontra Rosa Vicens Mas ng host Spain Huwebes ng gabi sa mga kababayang naapektuhan ng 7.3 magnitude na lindol tungo sa pagtuntong sa semifinals ng WTT ITF W25 El Espinar/Segovia leg sa Pedro Munoz court sa Segovia, Spain.
“I was saddened to hear about the earthquake back home. So, this win goes out to all the affected families. I had a huge battle today winning 7-6 / 7-6,” sabi ng 17-anyos na si Eala, na tumuntong sa ikaapat na semifinals sa limang sinabakan nitong torneo sa professional tennis circuit ngayong 2022.
Kinailangan ng Rafa Nadal Academy scholar at Globe ambassador na si Eala dumaan sa dalawang matira-matibay na rally point upang itala ang 7-6(3) at 7-6(4) panalo kontra sa 6th seed at World No. 285 na si Mas upang muling lumapit sa inaasam nitong ikatlong titulo sa internasyonal na torneo.
Makakatapat ni Eala sa semifinals ang isa pang home bet mula sa host Spain na si Eva Guerrero Alvarez, na seeded No. 7 sa torneo at World ranked No. 326.
Unang tinalo ni Eala si Amy Zhu ng US sa dalawang sets, 6-4, 6-3, sa round-of-16 Miyerkoles. (Lito Oredo)
The post Eala inalay panalo sa mga nilindol first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/fgnpQky
via IFTTT
Comments
Post a Comment