Komyuter

Para lang malinaw. Lahat ay pasahero o passenger pero hindi lahat ay commuter, o binabaybay na rin bilang ‘komyuter’ sa ating wika. Ang pasahero, maaaring may sarili kang sasakyan, pero pasahero ka lang dahil hindiu ikaw ang nagmamaneho.
Sa kotse, may upuan na kung tawagin ay passenger seat; may para naman sa nagmamaneho na tinatawag na driver seat. Pasahero ang hindiu nagmamaneho. Maaaring nakikisakay ka kaya ka pasahero. Maaaring sarili mo ang sasakyan at may sarili kang drayber kaya ka uli pasahero.
Samantala, komyuter kung nagbayad ka sa sinasakyan mong pampublikong transportasyon. Maaaring ang pampublikong transportasyon na ito ay traysikel, dyipni, UV Express, tren, eroplano, barko. Komyuter ka kapag nagbayad ka upang maging pasahero.
Hindi nawawala sa uso ang usaping komyuter sa ating bansa lalo sa mga lungsod at urban areas na maraming tao na kailangang maglakbay para makapasok sa kanilang trabaho o paaralan. Noong unang manalasa ang salot sa atin, nag-lockdown. Tumigil pansamantala ang takbo ng buhay.
Walang nagtratrabaho maliban sa mga civil security agency, mga nasa produksyon at delivery ng basic goods, at mga nasa pagamutan. Kailangang masawata ang pagkalat ng salot kaya walang naglakbay. Tigil ang aral. Tigil ang pasada ng mga pampublikong transportasyon. Nabahala ang lahat. Noon lang napabalitang lumuwag nang husto ang mga kalsada natin mula lungsod hanggan sa lalawigan.
Tandang-tanda ko pa. mahal na Araw noong 2020. Walang bumibiyahe pero nasa ospital kami ng asawa ko sanhi ng sakit na wala namang kinalaman sa COVID-19. Wala kahit traysikel sa highway sa lalawigan ng Quezon. Kailangan kong maglakad nang ilang daang metro para bumili sa botika ng kakailanganing gamot. Gustuhin ko mang maging komyuter, wala akong masakyan.
Maliban noong panahong iyon, lalo nang unti-unti bumaba ang restriksyon, naging mainit na usapin uli ang maging komyuter sa bansa. Kahit pa walang pasok ang karamihan sa unibersidad na nakapag-aambag sa trapiko, masikip pa rin. Barado pa rin ang mga kalsada. Inaabot pa rin ng ilang oras ang biyahe ng kaawa-awang komyuter papasok at pauwi mula sa trabaho.
Lagi na, laman ito ng mga plataporma ng mga kumakandidato. Aayusin daw ang daloy ng trapiko. Luluwagan ang kalsada. Gagawing masinop ang mass transport system. Pero hindi na tayo natauhan. Iyon pa rin ang problema. Sila-sila pa rin ang inihahalal. At walang magagawa ang karamihan sa atin kung hindi patuloy na maging komyuter lalo’t ito ang nagbibigay sa atin ng ikabubuhay. Hindi na tayo nagtanda.
Alam ba ninyong unang ginamit ang salitang Ingls na ‘commuter’ bilang pantawag sa ‘commutation ticket’ na ginagamit noon sa Inglatera upang makasakay ng tren sa mas murang halaga? ‘Commute’ bilang proseso ng pagbabago ng halaga ng pagsakay sa tren. Mas mura kung maramihan ang pagsakay kesa sa iisang tiket na para lamang isang paglalakbay.
Kaya naman kung pagbabatayan ang orihinal na kahulugan, ang komyuter ay iyong sumasakay sa tren na may taglay na tiket para sa maramihang pagsakay. Pero sa ngayon, sila ang nagbabayad ng pamasahe sa pampublikong transportasyon para makatipid. Pero sa dami ng nasasayang na pagod at oras, nakakatipid pa nga ba?
from Abante https://ift.tt/HX1wsIO
via IFTTT
Comments
Post a Comment