Opinyon 

Dahil may kakayahan tayong magpahayag ng ating iniisip at nadarama, kaya may kalayaan tayong magpahayag ng sarili nating opinyon. Lahat tayo ay maaaring makapagpahayag. Walang natatangi. Walang hindi kasali. Nakatadhana ito sa ating Saligang Batas. Bagamat hindi ito ganap o absolute. Maaari kang magpahayag pero may alituntunin at may pananagutan ka rin.

Sa kasalukuyan, madaling mapalaganap ang iyong opinyon. Hindi katulad dati na maaaring sabihin mo lang sa isang tao. Ipahayag sa isang palatuntuang maraming nakikinig. O isulat, gumawa ng liham. Ngayon, nariyan ang social media. Madaling makita o mabasa. Kung naka-public ang setting ng iyong pahayag, maaaring mai-share lalo’t maayos ang pagkakapahayag. Lalo kung tungkol sa napapanahong isyu.

Maaari kang gumawa ng video, i-upload mo sa social media, maaari nang mapanood. Pero muli, may pananagutan ka sa iyong ipahahayag na opinyon. Kung makasisira ito sa iba, kung makagagawa ng kalituhan a karahasan, kung hindi nakabatay sa katotohanan. Dahil nga madali na ang magpahayag ng opinyon kaya akala ng marami, ganap ang kalayaan sa pagpapahayag nito.

Hindi rin naman natin masisisi ang karaniwan dahil noong panahong hindi pa modernisado, nakimkim ang mga nais nilang sabihin. Sinarili kung hindi man naikuwento lang sa iilang tao. Ngayon, aba, napakadali na. Iyon nga lang, gayong kay dali magpahayag ng saloobin at opinyon, mas lalo namang madaling kumalat ang opinyong walang batayan at magkanlong sa katwirang igalang ang opinyon niya.

Mula sa matandang salitang Latin na ‘opīnor’ ang salitang ‘opinyon’. Ginagamit naman sa Ingles ang pandiwang ‘opine’ bilang akto ng pagbibigay ng opinyon o ng iniisip o nadarama hinggil sa isang bagay o pangyayari kahit pa hindi naman alam ang kabuuan ng sitwasyon na binibigyan ng opinyon. Lalo ngayon.

Hindi lamang sa social media mababasa, mapakikinggan, o mapapanood ang paglalahad ng opinyon ng maraming tao. Maging sa mga comment section ng mga pahayagan, marami ang nagpapahayag ng kanilang opinyon tungkol sa napapanahong isyu. Muli, walang mali sa pagpapahayag ng opinyon. Pero may pananagutan ang isang nagbigay ng opinyon kung ito ay lumalabag sa karapatan ng iba, nagiging sanhi ng kalituhan at karahasan, at kung ito ay hindi nakabatay sa katotohanan. Kaya nga may kataga tayong ‘matalinong opinyon’.

Inaasahan kasing pinag-isipan muna ang opinyon. Pero hindi ito ang nangyayari. Dahil nga napakadali nang magpahayag, ang nangyayari, ilalabas muna ang opinyon. Kung magdudulot ang opinyon niya ng hindi mabuti sa kapwa, saka lamang buburahin. Saka hihingi ng paumanhin.

Dahil lumulunsad sa malawak na social media, nangyayari din na ang popular na opinyon, kahit pa hindi wasto ang batayan, ay inuulit-ulit hanggang sa matanggap na totoo. Paramihan lamang ng naniniwala para masabing ang isang opinyon ay pinag-isipang mabuti. Bakit nga naman iisipin ang pananagutan kung napakaraming naniniwala sa isang personalidad sa social media?

Ang pagsusulat ng kolum sa espasyong ito ay paraan ko ng paghahain ng opinyon. Makakaasa kayong pinag-isipan at pinagnilayan kong mabuti ang taglay ng espasyong ito mula pa noon.

***

Para sa inyong mungkahi at puna, maaari kayong magpadala ng mensahe sa akin sa jwedelosreyes@yahoo.com o sundan ninyo ang aking Facebook account dito: https://ift.tt/OVR629F

The post Opinyon first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/qecsO2F
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada