Ayuda kina Lolo, Lola at iba pa

Good news para sa ating senior citizens! Isa nang bagong batas ang dagdag ayuda para sa kanila. Ito ay ang Republic Act (RA) No. 11916 (An Act Increasing the Social Pension of Indigent Senior Citizens) kung saan dinagdagan ng P500 ang natatanggap na buwanang pensiyon ng ating mga mahihirap na kababayan na may edad 60 years old pataas.
Mula sa dating P500 lamang kada buwan eh magiging P1,000 na kada buwan ang matatanggap ng indigent senior citizens. Tunay po itong malaking tulong para kina lolo, lola at iba pang mga kababayan natin na may edad 60 at pataas.
Masayang-masaya po ako sa balitang ito dahil isa po ang inyong lingkod sa mga may akda sa Kamara ng batas na ito. Kabilang po ang aking House Bill (HB) No. 4650 sa substitute bill ng Kamara na HB9459 na naipasa noong nakaraang Kongreso at siyang naging batas noong Hulyo 30.
Ang mga senior citizen na karapat-dapat sa dagdag pensiyon ay kinabibilangan ng mga maysakit, may disability o kapansanan, walang permanenteng pinagkakakitaan, walang natatanggap na regular na suporta mula sa kanilang pamilya at kaanak at walang pensiyon mula sa gobyerno at pribadong institusyon.
At para mas lalo pang sumaya ang lahat, tayo po ay nananawagan at umaasa na sana ay agad itong mapondohan ng gobyerno para mapakinabangan na ng ating mga senior citizen sa lalong pinakamadaling panahon.
Kaya naman tayo po ay nananawagan sa Department of Finance (DOF) at Department of Budget Management (DBM) na sana ay mahanapan na nila ng pondo ang magandang balita na ito para nga maipamigay na sa kababayan nating senior citizens. Alam ko pong ngayon pa lang ay excited na ang ating mga lolo at lola na makatanggap ng dagdag na pensiyon.
Napakasaklap naman po kung hinayaan ng Malakanyang na maging batas ang RA 11916 at pagkatapos ay mabibigo lamang pala ang DOF at DBM na bigyan ito ng sapat na pondo para maumpisahan na ang implementasyon.
Nguni’t umaasa tayo na magagawan ito ng paraan para madoble ang pensiyon nila lolo at lola at ng iba pang mga kababayan natin na lampas 60 na ang edad dahil sa hangarin ni Pangulong Marcos na pataasin ang antas ng pamumuhay ng lahat ng mga Filipino. Sabi nga ni Pangulong Marcos nung panahon ng kampanya, ang pangako nya ay ang ating bayan ay babangon muli matapos ang hagupit ng pandaigdigang krisis dulot ng mahigit dalawang taong pandemya.
Kaya ang apela natin sa DOF at DBM ay itodo na nila ang kanilang pagsisikap para pondohan ang napakagandang programang ito: We are appealing to the DOF and DBM to apply their optimum effort in rummaging for funds in the national government’s available appropriations for the remainder of 2022 or to realign accessible outlays in the national budget to fund the increase in the monthly pension of over 4 million senior citizens from P500 to the adjusted amount of P1,000 as set by RA 11916.
Sa hirap po ng buhay ngayon, hindi talaga sasapat ang dating P500 na buwanang pension ng mga senior citizens. Batid naman nating marami silang pangangailangan lalo na sa mga gamot na pang-maintenance na kadalasan ay hindi naibibigay ng kanilang mga anak na may mga sari-sarili nang buhay.
At talaga naman, hindi pa rin sapat ang P1,000 na buwanang ayuda, pero syempre mas makakatulong ito sa ating mga senior citizen na wala namang mga trabaho o pangkabuhaya at wala din namang pinagkukunang pagkakakitaan mula sa mga kamag-anak o sa pensiyon sa pamahalaan o pribadong sektor.
Kailangan tuloy maghanap ng trabaho ang ating mga matatandang kababayan kung kaya’t mas dapat silang bigyan ng dagdag na ayuda.
Batay sa datos na ipinalabas ng Philippine Statistics Authority (PSA), mas tumaas ngayon ang mga manggagawang may edad 65 pataas kumpara dati. Sa pinakabagong Labor Force Survey (LFS) ng PSA, noong nakaraang Hunyo ay nasa 38.2% na ang mga manggagawang may edad na 65 pataas kumpara sa 34.9% noong buwan ng Mayo.
Noon pong June, umaabot na 2,538,000 workers ang nasa edad 65 pataas at napakalaking pagtaas nito kung ikukumpara sa datos noong Mayo na 2,304,000 na nagpapakitang nadagdagan ito ng 234,000 mula 2,304,000. Ibig sabihin, mas maraming may edad na ang kailangan pang kumayud dahil na rin siguro sa hirap ng buhay.
Kung ating iisipin, ang mandatory retirement age po dito sa Pilipinas ay 65 pero nakikita natin sa datos ng PSA na marami pa ring lolo at lola na napipilitang kumayod para mabuhay. Sa mga ganitong edad, marami na pong nararamdamang sakit sa katawan ang mga kababayan nating senior citizens pero dahil nga mahirap ang buhay at karamihan ay lalo pang pinalugmok ng pandemyang Covid-19 gayundin ng pandaigdigang krisis sa langis, walang ibang opsyon ang mga lolo at lola natin kundi magbanat pa rin ng buto.
Ang atin pong pagsusulong para maipatupad na itong dagdag pension sa ating mga lolo at lola ay tulad din ng ating pagsisikap sa programang Libreng Sakay. Talagang kinalampag po natin ang Department of Transportation (DOTr) na tiyaking mapopondohan at magpapatuloy ang programang Libreng Sakay na magandang balita naman para sa mga kababayan nating commuters.
Kung maaalala n’yo, ako rin po ang isa sa nagmungkahi para maipagpatuloy itong Libreng Sakay program. Alam naming kasama rin sa mga nakikinabang sa Libreng Sakay ang mga kababayan nating seniors na araw-araw umaalis ng bahay para pumasok sa trabaho.
Kaya nga nagalak tayo ng sabihin ni Budget Secretary Amenah Pangandaman nung nakaraang linggo na na release na ng DBM ang P1.4 bilyong karagdagang pondo upang mapagpatuloy ang Libreng Sakay sa mga bus sa EDSA mula Setyembre 1 hanggang Disyembre 31 ngayong taon.
Tinatayang 50 milyong libreng sakay ang mapapakinabangan ng mga estudyante, manggagawa at iba pang komyuters na sumasakay ng mga bus sa EDSA Carousel hanggang sa katapusan ng taon, dahil sa P1.4 bilyong dagdag na pondo para sa Libreng Sakay na inapela natin sa DBM at DOF matapos aprubahan ni Pangulong Marcos nung Hulyo 1 ang pag-extend ng proyektong ito na malaking tulong sa masa.
Timing na timing ito lalo’t babalik na sa mga eskwela ang ating mga estudyante simula ngayong araw na ito sa pagbubukas ng schoolyear 2022-2023.
Sa susunod na pagbabadyet, asahan nyong hihimukin natin nang husto ang Kongreso na tiyaking mapaglalaanan ng sapat na pondo itong mga magagandang programa para sa mga kababayan nating nangangailangan.
The post Ayuda kina Lolo, Lola at iba pa first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/SuWNA9f
via IFTTT
Comments
Post a Comment