Hepe ng pulisya sa Maguindanao sinibak

Sinibak ng Philippine National Police (PNP) si Maguindanao Police director P/Col. Christopher Panapan kaugnay sa nangyaring pananam­bang na ikinamatay ng hepe ng Ampatuan Municipal Police at isang tauhan nito sa nasabing lalawigan noong Martes.

Sa inilabas na relief order ni Brigadier General Robert Rodriguez, director ng PNP director for personnel and records management noong Martes, itinalagang kapalit ni Panapan si P/Col. Roel Rullan Sermese mula sa Police Regional Office sa Soccsksargen Region.

Nangyari ang pananambang kina Ampatuan Police Chief Lt. Reynaldo Samson at driver nito na si Corporal Salipudin Endab habang patungo sila sa Barangay Kapinpilan para arestuhin ang isang Kamir Kambal na wanted sa patong-patong ng kaso sa nasabing bayan.

Bigo ang grupo nina Samson na madakip si Kambal at sa halip ay inambus ang mga ito habang pabalik na sa headquarters. Agad na namatay dahil sa tinamong mga tama ng bala sa katawan sina Samson at Endab habang sugatan naman ang mga kasama nilang sina Senior Master Sgt. Reynante Quinalayo at Corporal Rogelio Dela Cuesta at Marc Clint Dayaday.

Nabatid na naglatag ng operasyon ang pulisya sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) kabilang ang Maguindanao police para sa paghahain ng 3,000 arrest warrant sa buong rehiyon.

Samantala, sinabi ni Maguindanao Police spokesperson Major Reggie Abillera na naglunsad na sila ng manhunt laban sa grupo ni Guipar Abdulkarim, na kilala rin bilang Commander Boy Jacket, na pinaniniwalaang utak ng nasabing pananambang.

The post Hepe ng pulisya sa Maguindanao sinibak first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/5UbZr70
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada