Pagmamahal sa Wikang Pambansa

Tuwing Agosto ay ginugunita natin ang Buwan ng Wikang Filipino. Nagbibigay-pugay tayo sa napakayaman nating wika. Iba’t ibang aktibidad din ang isinasagawa sa ating mga paaralan at lokal na pamahalaan para sa tuwina ay ulit-ulitin ang kahalagahan ng pagpapayabong sa ating wikang pambansa.

Pero hindi kailangan na tuwing Agosto lang natin ito ipinagdiriwang. Bawat araw, bawat linggo, bawat buwan sa buong taon, karapat-dapat na nasa puso at isip natin ang wikang FIlipino.

Kaya bilang mamamayan ng Pilipinas, ano ang mga bagay na pwede nating gawin para maipakita ang pagmamahal sa ating sariling wika?

  1. Kung ikaw ay nanay o tatay, sanayin muna sa wikang Filipino ang inyong mga anak. Sabi ng mga eksperto sa MLE (mother language education), kapag unang natututo ang bata sa sariling wika, mas mahusay siyang natututo sa ibang mga bagay, pati sa mga wikang banyaga.
  2. Tangkilikin ang Original Pilipino Music o OPM. Alam kong marami sa atin ang humahanga sa mga mang-aawit mula sa ibang bansa. Walang masama doon. Pero sana ay may pangunahing puwang din ang mga kanta at mang-aawit na Pilipino sa ating mga music playlist.
  3. Magsagot ng mga palaisipan. Madalas kami noon na nagtutunggalian sa mga palaisipan o crossword puzzle sa mga pahayagan. Isa itong mainam na paraan para mas mapalawak ang ating bokubolaryong Filipino at patuloy na makadiskubre ng mga salita sa ating wika.
  4. Magbasa ng tula, maiikling kwento, pabula at iba pang literatura na nakalahad sa ating wika.
  5. Matuto ng iba pang mga wika na ginagamit sa Pilipinas. Sa aking paglibot noong kampanya, doon ko napagtanto na talagang kahanga-hanga ang Pilipinas sa dami ng wika na ginagamit sa iba’t ibang rehiyon. Bakit hindi natin ang aralin ang isa o dalawa sa mga ito?

Ang wika ang nagbibigay-buhay sa atin bilang isang nasyon. Ito ay bahagi ng ating kultura at pagkakakilanlan bilang mga Pilipino. Paano na lamang kung hindi natin naiintindihan ang sinasabi ng ating kapwa? Walang pag-unawa at ugnayan — mga mahahalagang sangkap sa pag-unlad ng ating bansa.

Sabi nga ng ating bayani na si Gat Jose Rizal, “Ang hindi magmahal sa sariling wika, ay masahol pa sa malansang isda.” Kaya, ating mahalin, pahalagahan at pagyabungin pa ang wikang pambansa para sa susunod na henerasyong darating.

Nakikiisa po ako sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa.

The post Pagmamahal sa Wikang Pambansa first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/uF0Tswt
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada