‘Probinsyano’ finale tinutukan: Julia, Coco pinakilig sambayanan

Gaya nang inaasahan, patok na patok sa mga manonood, netizen, ang pagtatapos ng ‘FPJ’s Ang Probinsyano’ noong Aug. 12 (Biyernes).
Lagpas kalahating milyon (532,000) concurrent viewers ang hinamig ng finale ng serye ni Coco Martin.
At siyempre, maging sa telebisyon ay tumutok din ang marami sa pagtatapos ng kuwento ni Cardo Dalisay.
At sulti na sulit naman daw, dahil tila pinagkasya ni Coco sa loob ng halos dalawang oras ang mga mahahalagang eksena, na inaasam ng mga manonood.
Pero siyempre, nakaramdam ng lungkot ang mga tagahanga na namatay ang lahat ng mga kasamahan ni Cardo. Binigyan ng kanya-kanyang highlight ang mga miyembro ng ‘Agila’, na isinugal ang kanilang mga buhay para sa kapayapaan.
Naluha ang marami sa eksena na ang mga Agila rin ang pumatay sa kapwa Agila nila, nang wala silang kamalay-malay, kaya matinding iyakan ang nangyari nang malaman nilang nagamit sila para kitilin ang buhay ng mga mahal nilang kaibigan.
At siyempre, nag-trending din ang RIP Cardo, dahil sa unang tingin nga naman, sino pa ba ang mabubuhay kapag tinadtad ka ng bala sa buong katawan. Pero, dahil immortal nga si Cardo, buhay talaga siya sa huli.
Of course, kaaliw rin ang pagpapasilip nila ng mga blooper, mga palpak na eksena na tinawanan lang nila.
At sobra-sobra namang naantig ang puso ng mga manonood ng bigyang tribute si Susan Roces bilang si Lola Flora. Ipinakita ang mga eksena ni Susan mula noon hanggang sa mawala na siya sa teleserye.
Matinding iyakan ang naranasan ng mga manonood habang sinasariwa pa ang mga pangyayari sa buhay ni Lola Flora/Susan. Mahusay na mahusay rin si Coco sa pagdadalamhati sa puntod ni Lola Flora.
Pero siyempre, hindi naman puwede na bumaha lang ng luha sa dulo, o mga nakakaiyak lang na eksena ang mapapanood, matatandaan sa pagtatapos ng ‘Ang Probinsyano’.
Dapat ay mas manaig ang aral ng pag-ibig, o kilig.
Kaya naman pinakita rin ang pagpapakasal ng mga karakter nina Sharon Cuneta, Rowell Santiago.
Pero, ang wini-wish ng lahat, na sa unang tantiya ay parang hindi mangyayari, nagawa nila sa dulo.
Yes, ang cute ng eksena na nagda-drive si Cardo, at biglang-bigla, napadaan siya sa dagat, at may nakita siyang isang babae na may kulay ang buhok, naka-itim na damit, pantalon, na may nakapatong na jacket na brown.
Na nilapitan niya, at ‘yun na nga, si Julia Montes ang babaeng `yon, na gumaganap na Mara.
Kakilig nga ang eksena na walang masyadong usapan sa pagitan nilang dalawa, at puro ngiti, titigan lang ang nangyari.
Siyempre, binusisi ng mga faney ang katawan ni Julia, na napapabalita ngang buntis. Pero, dahil balot na balot nga siya, wala kang makikitang palatandaan ng pagbubuntis.
Pero, sa totoo lang, mas gumanda si Julia ngayon, ha! At lutang na lutang ang kaligayahan sa kanyang mukha.
Siyempre, umagaw rin sa pagti-trending ang #MaraHulingPagIbig.
Siyanga pala, mapapanood ang cast ng “FPJ’s Ang Probinsyano”, pati na ang “Mars Ravelo’s Darna” sa “ASAP Natin ‘To” ngayong Linggo, sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.
Tutukan ang isang madamdaming musical tribute para kina Da King Fernando Poe Jr. at Reyna ng Pelikulang Pilipino na si Susan Roces mula kina Ogie Alcasid, Zsa Zsa Padilla, Erik Santos, KZ, Angeline Quinto, Jed Madela, Klarisse de Guzman at “Ang Probinsyano” stars John Arcilla, Michael de Mesa, at Sharon Cuneta.
The post ‘Probinsyano’ finale tinutukan: Julia, Coco pinakilig sambayanan first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/UtNvjT7
via IFTTT
Comments
Post a Comment