Sakalam Creamline

TALAGANG masasabi natin na pagdating sa women’s volleyball, matatag ang Creamline Cool Smashers.
Sa dalawang magkasunod na conference ng Premier Volleyball League, sila ang nagreyna. Walang duda, sa kanila talaga ang trono ngayong taon. Kung titignan natin ang kanilang roster, walang pagbabago, may nadagdag man, pero walang nawala, kumpleto ang core kaya hindi maitatanggi na maganda ang kanilang pundasyon.
Sa pagkakapanalo ng grupo sa PVL, sasabak naman sila sa AVC Cup, walang pahinga, diretso agad. Kumbaga, ilang sandali lang ay balik na naman sa laro, kapagod ano?
Pero kung titignan, pwedeng advantage nila ‘yun dahil nasa momentum pa sila, kaya lang wala nang oras para sa recovery. Bilang mga pro ang mga ito at kondisyon naman, hindi magiging mahirap para sa grupo ang mag-adjust. Isa pang lamang ng Cool Smashers ay matagal na silang magkakasama kaya wala nang isyu para sa amuyan dahil kabisado na nila ang isa’t isa.
Kaya naman, para sa akin, magiging maganda ang laro ng grupo sa AVC Cup. Pero mapapaisip ka na lang din na napakahirap maging atleta, very demanding ang career nila, wala ka nang oras para sa sarili mo kung tutuusin pero hahanga ka sa dedikasyon nila.
Teka mga ka-Abante, maiba lang ako. Hindi naman maiba, volleyball pa rin naman. Kasi mga ka-Abante, nakakatuwa isipin na may isa pang liga ng volleyball sa bansa natin, dagdag avenue para sa mga bata dahil naka-focus ito sa mga collegiate player.
Maganda ito para sa kanila dahil dagdag sa experience at exposure, malaking tulong kapag sumabak na sila sa UAAP o NCAA. Nakakadagdag kumpiyansa ito para sa kanila.
Naalala ko mga ka-Abante noong highs school pa ako, nalibang ako sa panonood ng Shakey’s V League na colleges at universities ang naglalaro, ganoon din ang mangyayari ngayon, nakakatuwa, at nakakasabik mapanood ito. Naisip ko lang din na baka hindi rin imposible na mag-expand ang liga na ito ng Shakey’s, baka dumating din ang oras na magpapasok na sila ng commercial teams sa liga nila tulad noon.
Ano sa tingin nyo mga ka-Abante? Ayos ba ‘yon? Para sa mga player, oo naman. May iba pa silang mapupuntahan, hindi malilimitahan ang mga lalaruan nila. Pero ‘wag lang sana ito maging dahilan para mahati muli ang volleyball community. Maganda pa rin na magkaisa sila at may iisang layunin. Ano sa tingin nyo, mga ka-Abante?
Muli, patuloy po ninyong suportahan ang Sportalakan. Salamat po at God bless!
The post Sakalam Creamline first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/vEB47OW
via IFTTT
Comments
Post a Comment