Walang kaba dahil andyan agad ang pambayad

“Ate, puwede ba akong mag-advance?” Madalas na ‘yan ang hirit sa akin ng aming kasambahay. Kahit anong adjust ko sa panahon ng kanyang sweldo, laging may kahilingan siya sa cash advance, dahil lagi siyang may pangangailangan.
Sa opisina, ‘yan din ang madalas na inuungot sa mga kahera – cash advance. May nakahanda naman talagang perang pang-advance ang mga opisina pero kadalasan ay para sa mga gastusing may kinalaman lamang sa trabaho ang kanilang ipinaluluwal – pambili ng gamit, pamasahe ng tauhan, pampa-meryenda sa kliyente, at iba pa, na hihingan ng resibo.
Ang Philippine Health Insurance o PhilHealth, ay mayroon ding kahalintulad na mekanismo sa pamamagitan ng Interim Reimbursement Mechanism o IRM na ipinatupad noong kasagsagan ng pandemya ng Covid-19. Ito ay perang pang-emergency na inilaan sa mga ospital at iba pang pasilidad na pang-kalusugan para makaresponde agad sa mga hindi inaasahang pangyayari tulad ng natural disaster, kalamidad at pandemya tulad ng Covid-19.
Matagal nang mayroong ganitong mekanismo para magbigay ayuda sa mga ospital para manatiling bukas sa mga pagamutang naapektuhan. Simula pa noong 2013, nang magkaroon ng matinding sakuna dahil sa bagyong Yolanda, nang magka-giyera sa Marawi noong 2017 at nang pumutok ang Bulkang Taal noong Enero 2020.
Pebrero 2020 nang maiulat ang mga unang biktima ng Covid-19 sa bansa, hanggang sa magkasunod-sunod na ang biglang na-ospital dahil sa sakit. Kung walang emergency fund sa mga ospital at health facilities tulad ng IRM ng PhilHealth, tiyak na mahihirapang maibigay ng tuloy-tuloy ang serbisyo sa mga pasyenteng Pilipino.
Nakaka-shock kung makikita natin ang laki ng gastusing kinaharap ng mga pasyente, lalo na ang mga naging kritikal ang kalagayan dahil sa bagong sakit na ito. Pero halos wala silang binayaran at natugunan ang lahat ng kanilang pangangailangan – mula sa mga ventilators, gamot, testing kits at personal protective equipment – dahil sa emergency fund na inilabas na ng Philhealth. Naibigay ang kaukulang hazard pay sa mga health workers. Patuloy na nakapagsilbi maging ang lying in centers at dialysis centers sa mga miyembro ng PhilHealth. Nakakilos ng maayos ang mga ospital dahil sa P15 BILYONG PONDONG ito.
Napanganga nga ako nang malaman kong ang aking Lolo Sario na na-Covid at nagka-pneumonia pa ay may hospital bill na umabot sa isang milyong pisong mahigit. Pero ni singko, walang inilabas ang kanyang pamilya para sa kanyang pagkaka-ospital. Ang kaibigan kong si Absy na isa sa unang nagka-Covid, apat na milyong piso naman ang bill. Pero tulad ni Lolo Sario, dahil sa pagiging miyembro ng PhilHealth, wala rin siyang binayaran noon. Agad ding nakapagbigay ng serbisyo sa kanya ang ospital dahil may nagamit silang pondo para ipambili ng pangangailangan ng mga pasyenteng may Covid.
Ang problema, ang mga hindi nakakaintindi at gusto yatang magpa-kontrobersyal, inintriga ang emergency cash advance na ito ng PhilHealth. Pinagbintangan ng isang job order contractor ng PhilHealth na ang P15 bilyong pisong IRM ay kinurakot. May favoritism din daw sa mga ospital na pinaglagyan ng pera. Pero wala naman siyang ebidensiyang iniharap, puro ngawngaw lamang ang ginawa. Ang masaklap, may mga naniwala naman agad sa kanyang mga sinabi, na ikinasira ng dignidad at propesyon ng ilang mga opisyal ng PhilHealth.
Ngayon, ang sinasabi nitong nawawala, hindi naman pala nawawala. Mismong ang Philippine Hospital Association ay naglabas ng pruweba na ito ay ibinigay sa mga ospital at health care facilities para magamit sa mga pasyenteng apektado ng Covid-19. Kung wala ang emergency fund na ito, tiyak na hindi nakabili ng mga kakailanganing gamit at gamot at mabibigyan ng dagdag na bayad ang mga healthcare workers na isinuong din sa panganib ang kanilang sarili makapagligtas lamang ng buhay.
Para sa kanila, ang IRM ay nakatulong ng husto sa mga ospital na makapaghanda at makalusot sa mga hamon ng bagong pandemya. At para sa mga pasyente ng Covid-19 na nakagamit ng pondong ito, malaki ang pasasalamat nila sa PhilHealth na gumaang ang kanilang alalahanin at naitutok ang kanilang sarili sa pagpapagaling dahil sagot sila ng PhilHealth.
from Abante https://ift.tt/ybuYwzM
via IFTTT
Comments
Post a Comment