50 akusado sa ‘pastillas’ scam hirit: Not guilty

Not guilty plea ang inihain ng may 50 dating empleyado at opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa isinagawang arraignment ng Sandiganbayan sa kasong katiwalian na may kaugnayan sa kontrobersyal na ‘Pastillas’ scam.

Sa nasabing bilang ay 35 ang naghain ng not guilty habang ang 15 ay hindi naghain ng plea kabilang si dating Immigration deputy commissioner Marc Mariñas, kaya naman ang korte ang nagpasok ng not guilty plea.

Ipinaliwanag ni Atty. Joel Ferrer, abogado ni Mariñas na hindi naghain ng plea ang kanyang kliyente dahil kanilang kinukuwestyon ang hurisdiksyon ng Sandiganbayan.

“The court only took jurisdiction on him based on the information filed by the prosecutors that he is Salary Grade 27 but he is just Salary Grade 15. He was just appointed officer-in-charge of the Office of the Deputy Commissioner,” paliwanag ni Ferrer.

Ang record sa kaso ay inamyendahan kung saan tinanggal si Immigration Officer III Jeffrey Ignacio bilang isa sa akusado dahil pinasok ito bilang testigo o whistleblower.

Inangal ng ibang akusado ang pagiging testigo ni Ignacio na malinaw na paglabag sa due process, hindi rin umano ito maituturing na testigo sa ilalim ng rules dahil nakapagprisinta na ng ebidensya.

Hindi kinatigan ng graft court ang argumento ng depensa dahil sa kawalan ng merito.

“You cannot invoke Rule 119 because no evidence has been presented by the prosecution just yet,” pahayag ni Sandiganbayan Presiding Justice Amparo Cabotaje-Tang.

Binigyan naman ang magkabilang panig ng 15 araw para maghain ng kanilang pleadings.

Ang Pastillas scam ay isang scheme na nadiskubre sa BI kung saan hinihingan ng lagay ang mga dayuhang pasahero para makapasok ng bansa sa kabila ng ‘di kumpletong travel documents. (Tina Mendoza)

The post 50 akusado sa ‘pastillas’ scam hirit: Not guilty first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/TzVBi5H
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada