Dapat decongestion, hindi apprehension

So eto na nga, tengga na lang ng mga traffic violations na naitala ng mga CCTV dahil sa atas ng Korte Suprema na huwag nang munang ituloy ang implementasyon nito at sa halip ay inatasan ang grupong naghain ng reklamo at mga nagpapatupad na iharap na muna ang kani-kanilang mga argumento upang ganap na magpasyahan.
Resulta, balik na naman sa manu-mano ang paninita at paghuli sa mga lumalabag sa mga batas-trapiko, ito ‘yung tipong aabangan ka nila kapag ang tawid mo sa intersection na minamanduhan ng traffic lights ay nasa pagitan na ng dilaw at pula.
Mayroon din namang nag-aabang sa intersection at sisitahin ang mga nasa outer-most right lane na didiretso sa halip na kumanan.
Sa mga ganitong situwasyon, kitang-kita na mali ang prayoridad ng mga nagpapatupad ng batas-trapiko sa hangarin na mapabilis ang galaw ng mga sasakyan sa mga lansangan.
Ang sabi nga ng ilang nagmamasid sa mga ganitong pangyayari, masyadong nakasentro ang mga traffic enforcer at mga konstable sa apprehension o paghuli sa mga lumalabag at tila napapabayaan ang decongestion o pagpapaluwag ng daloy ng trapiko na siyang totoong misyon ng ipinapatupad na sistema.
Kung tutuusin, okey na sana ang non-contact apprehension policy at hindi na dapat na sinuspinde at sa halip ay pinili na lamang ang violations na dapat ay sasakupin gaya halimbawa ng overspeeding, beating the red light, number coding at ang hindi pagsunod sa tamang babaan at sakayan ng mga pampublikong sasakyan.
Dahil sa pagkakansela ng NCAP, halos wala rin munang overspeeding violations sa EDSA at sa Commonwealth Avenue halimbawa dahil napakahirap naman para sa mga enforcers na ito ay manu-manong gawin.
Sa pagbalik ng manu-manong paniniket ng mga enforcers, ang pagpara sa mga traffic violators ang nag-iisang paraan para ang mga ito ay mapanagot sa mga paglabag na ginawa at kadalasan, may mga nangyayaring ganito sa mga masisikip na lansangan na imbes maginhawaan ang mga kasabay o kasunod na sasakyan ay nasasama pa sa mga naabala.
Isang halimbawa nito ay ang madalas na paninita ng mga traffic enforcers na nakaassign sa mga kanto sa kahabaan ng masikip nang Lacson Avenue sa lunsod ng Maynila.
Kapag may pinara silang sasakyan, dahil puno rin ang bangketa, papatabihin na lamang nila ang mga ito sa pinakagilid na kanang lane habang pinapaliwanagan ang driver kung ano ang nalabag nito, kung matagal ang palitan ng paliwanag, mas mahabang pila ang dulot nito sa likuran.
Nasaan ang traffic ang decongestion sa ganitong eksena?
Iwasan na sana ng mga nagpapatupad ng batas-trapiko na makadagdag pa sa perhuwisyo na tinitiis ng mga motorista gaya ng lubak at mga pagbaha sa tuwing bumubuhos ang ulan sa pamamagitan ng pagtanim nila sa kanilang mga matatalinong isipan na ang dapat na prayoridad ay mapaluwag ang daloy ng trapiko at hindi ang walang kapaparakang paghuli o paninita ng mga motorista.
The post Dapat decongestion, hindi apprehension first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/PiILOGN
via IFTTT
Comments
Post a Comment