Face mask rule dapat na talagang palitan

Ako po ay nagagalak sa balita kamakailanlang hinggil sa isyu ng pagsusuot ng face mask.

Ating wine-welcome di lamang ang nalalapit na pag-lift ng mandatory use nito, kundi atin ding pinupuri ang administrasyon ni Pangulong Marcos, di lamang sa pagsang-ayon sa pagrelaks sa health protocol na ito kundi pati sa planong bigyan ng kakayahan ang mga local government units o LGUs na magdesisyon sa kung papaano nila ipapatupad sa kanilang mga nasasakupan ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa outdoor o open spaces.

Magpahanggang ngayon ay malaking usapin pa din kasi kung ipagpapatuloy pa ba ang pagsusuot ng face mask o hindi na. At kami ay naniniwalang hindi na puwedeng balewalain ang usaping ito. Marami tayong kailangang linawin at pagdesisyunan.

Sa mga inilalabas na datos ng ating Department of Health (DOH), as of September 9, 2022 merong naitalang 24,300 active cases ng COVID-19 sa iba’t ibang lugar sa bansa. Sa naturang bilang, 8,639 ang naitala sa NCR; 3,757 sa CALABARZON; 2,423 sa Central Luzon; 1,317 SA Davao Region; at 1,242 sa Western Visayas.

Malinaw po sa datos na iyan na nananatili pa rin ang presensya ng COVID-19, hindi pa rin tayo tuluyang nakakawala sa pandemya. Kaya balik uli tayo sa usapin: dapat ba o hindi na ipagpatuloy pa ang pagsusuot ng face mask?

Ang Cebu po ay kabilang sa mga nangunguna sa pagsasabing gusto na nilang gawing boluntaryo ang paggamit ng face mask. Kinonkontra ito ng DOH dahil hindi daw sila kinonsulta. Pero nauunawaan naman po natin ang punto ng iba’t ibang lugar tulad nga nitong Cebu. Sila mismo ang nakakakita sa sitwasyon sa kanilang lugar kaya dapat ding mapakinggan ang kanilang saloobin.

Opo, may mga lugar na meron pang COVID pero may mga lugar din na talagang pahupa na at konti na lang ang mga nagkakasakit dahil dito. Kaya mahirap naman pong ipagpilitan nating mag-face mask pa sila kung wala na o konti na lamang ang impeksyon sa kanilang lugar.

Bukod po dito ay tunay namang dagdag-gastusin ang pagbili ng face mask lalo na sa mga kababayan nating mahihirap.

Sa punto de vista po ng mga kababayan nating mahihirap, yung ibibili nila ng face mask ay ibibili na lang nila ng bigas, iba pang pagkain at mga pangangailangan tulad halimbawa ng lapis at papel ng kanilang mga anak. Ngayon pong pasukan kahit sa pampublikong paaralan nag-aaral ang anak, hindi pa rin maiiwasang gumastos sa mga kakailanganin sa iskul. Idagdag pa ang pambili ng gatas ng mga bata o kaya ay pambili ng maintenance ng mga matatanda. Kaya po sa aminin natin at hindi ay dagdag pabigat sa gastusin ang face mask.

At dahil dito, iyong iba nating kababayan ay paulit-ulit nang ginagamit ang isang disposable face mask kahit para sa isang gamitan lang talaga dapat ito. Ang katuwiran nila, wala silang pambili kaya gamitin na lang hanggang puwede pa. Ang one-time use na face mask, ginagamit ng isa o dalawang linggo ‘wag lang masita ng pulis o barangay o para lang makapasok sa mga establisimiyento. Sa madaling salita, para lang makapag-comply. So wala na rin pong saysay. Hindi na epektib ang face mask sa ganitong sitwasyon.

Pero hindi naman natin masisi ang mga kababayan natin. Kaya kung ipipilit po ng DOH at ng ating mga health experts na maging mandatory pa rin ang facemask sa ilang lugar, dapat pong suplayan na natin ng libreng facemask ang mga mahihirap at yung maliit lang ang mga kita.

Sa kabuuan, ang tingin ko po diyan ay kailangan nang maglabas ng mas relaks na polisiya. Ako po ay pabor sa inilalaban ng Cebu City government na alisin na ang obligatory use ng face mask sa mga outdoor o open spaces maliban na lamang sa mga lugar na may matataas pa ring sitwasyon ng Covid tulad ng Metro Manila.

Puwede pong isulong ng Inter Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang compromise policy na gagawin na lang mandatory ang paggamit ng face masks sa Metro Manila at mga lugar na matataas pa rin ang kaso. Kasabay nito, payagan ang mga LGUs sa mga low-risk areas na magdesisyon kung magsusuot pa ng face mask sa kanila o gagawin na lamang itong boluntaryo.

Puwede ring maging mandatory ang paggamit ng face mask sa mga indoor public place lalo na sa mga gusaling naka-aircon. Maari ring gayahin natin ang ginagawa sa Thailand na ang mga matatanda, buntis at mga taong may sakit ang obligahing mag-face mask. Gayundin ang ginagawa ng Singapore na mandatory na pag-face mask sa public transport at mga high-risk place tulad ng ospital at mga klinika.

Wala pong masama sa pag-iingat na siyang ginagawa ng ating mga health authorities. We have had the strictest and longest lockdowns, which was one overly stringent policy that had made the Philippines one of the last economies in the region to recover from the pandemic.

Sadyang napapanahon na para luwagan na natin ang paggamit ng face mask. It’s probably the right time to reconsider the rigid mask-use protocol as part of national efforts under the ‘new normal’ to speed up our recovery from the over two-year pandemic and keep to a minimum our economy’s scarring from the global crisis spawned by Covid-19.

Ibigay na rin sa ating LGU officials ang pagdedesisyon kung oobligahin pa o hindi na ang kanilang nasasakupan. Wag na po tayong matakot na makipagsabayan sa new normal.

Nasyunal at lokal, bawat mamamayan ay iisa ang hangarin—ang kaligtasan ng lahat. Magkaisa lang tayo sa pagbabantay, laging maging alerto sa mga parating na banta sa kalusugan at buhay.

Tandaan kapag sama-sama kayang-kaya nating labanan ang Covid-19.

The post Face mask rule dapat na talagang palitan first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/3HrPpq9
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada