Maging responsable sa social media

Nakatawag-pansin kamakailan ang mga lumabas sa social media na mga posts patungkol sa iba’t ibang insidente ng mga ‘high-profile’ crimes tulad ng kidnapping at pagpatay. Tila ba ang gustong palabasin ng mga posts ay may “crime wave” na nagaganap sa bansa.
May ilan dito ay totoong nangyari, pero karamihan ay mga lumang kaso na pala na matagal ng nahuli ng Philippine National Police (PNP) ang mga suspect.
Hindi natin alam kung ano bang pumasok sa kokote ng mga nagkakalat ng mga ganitong posts na fake news. Ano ba ang gusto nilang mangyari? Magpanic at matakot tayo? Parte ba ito ng smear campaign para siraan ang PNP at ang kasalukuyang administrasyon?
Anuman ang rason, hindi maganda ang ibubunga ng ganitong gawain para sa imahe ng ating bansa, lalo pa’t ngayong nakapagbukas at nagsisimula ng makaahon ang maraming industriya na pinadapa ng pandemya, kasama na ang sektor ng turismo.
Ang mismong chief ng PNP na si Gen. Rodolfo Azurin na ang nagsabing wala tayong dapat ikabahala. Sa katunayan, patuloy ang pagbaba ng insidente ng krimen sa nakalipas na 12 taon, ayon na rin sa crime data ng PNP.
Ang datos ng PNP ay nagpapakitang sa unang dalawang buwan ng administrasyon ni Pangulong Duterte, bumaba ng 5.85 percent ang insidente ng pagpatay, carnapping, robbery, rape, physical injury at iba pang krimen kung ikukumpara sa parehong panahon ng yumaong Pangulong Noynoy Aquino. Kumpara naman sa unang 50 days ng Pangulong Bongbong Marcos, ang mga ganitong insidente ng krimen ay bumaba pa lalo ng may 45 percent.
Sa pag-solve naman ng krimen, patuloy na gumaganda ang record ng PNP, mula sa 21.1 percent sa unang dalawang buwan ng administrasyong Noynoy Aquino, pataas sa 85.24 percent sa unang 40 days ng administrasyon ni PBBM.
Makikita base sa impormasyon ng PNP na wala namang nagaganap na crime wave. Ang nangyayari sa social media ay “fear-mongering” o pananakot, ayon kay Sta. Rosa City Congressman Dan Fernandez, na siya ring chairman ng Committee on Public Order and Safety ng Kamara de Representante.
Sinabi pa ni Cong. Fernandez na naa-apektuhan ang imahe ng PNP lalo na’t kapag may mga nagkokomento sa social media na wala naman daw ginagawa ang kapulisan laban sa krimen.
Sa nakaraang hearing ng kanyang komite, nabanggit ni Cong. Fernandez na isa sa mga kumakalat na crime video diumano ay tungkol sa isang lumang kaso, at ang isa naman na tungkol sa kidnapping ay gawa-gawa lang pala.
May maitutulong tayo para maitama ang ganitong maling gawain. Ang payo ni Cong. Fernandez ay maging mapanuri at maingat tayo sa pag-share ng mga posts sa Facebook at iba pang social media na patungkol sa mga nakababahalang balita. Tingnan muna natin kung ito ba ay totoong nangyari o fake news.
Kung mapag-alaman nating totoo nga ang balita, puede natin itong mai-share, hindi para makapanakot kundi para makatulong sa pagresolba ng krimen. Ayon kay Gen. Azurin, makakatulong ang ganitong aktibong partisipasyon ng publiko sa pagre-report ng krimen sa pagiimbestiga at paghuli ng PNP ng mga suspect.
Ganito sana ang maging kaisipan natin kapag may nabasa o napanood sa Facebook at iba pang social media. Maging responsible tayo. Hindi ba’t sa halip na maging parte ng problema, mas magandang maging katuwang tayo sa paghahanap ng LUNAS.
The post Maging responsable sa social media first appeared on Abante.from Abante https://ift.tt/YV8ylJi
via IFTTT
Comments
Post a Comment