‘Poblacion Girl’ guilty sa pagrampa habang naka-quarantine

Pinagmumulta ng korte ng P20,000 ang binansagang ‘Poblacion Girl’ matapos itong maghain ng guilty plea sa nag-viral nitong pagtakas sa mandatory quarantine protocols nang dumating siya sa bansa at rumampa habang positibo sa COVID-19 sa Makati City noong Disyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Makati City Prosecutor Rafael Rodrigo Esguerra, personal na inihain ni Gwyneth Anne Chua ang kanyang guilty plea sa sala ni Makati City Metropolitan Trial Court Branch 128 Judge Maureen Rubio Marquez kahapon ng umaga.

Inakusahan si Chua ng paglabag sa Republic Act 11332 o ang ‘Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act’ nang tumakas ito sa nasabing quarantine facility para maki-party sa isang bar sa Poblacion, Makati City kahit alam niyang may mga sintomas siya ng COVID-19 noong Disyembre 23, 2021.

Nagpositibo ito sa COVID-19 makalipas ang dalawang araw at nakahawa ng ilan sa nasabing party.

Samantala, tuloy ang kaso sa security guard ng Berjaya Hotel na si Esteban Gatbonton dahil sa inihain nitong not guilty plea. Si Gatbonton ang kinasabwat ni Chua para makalabas sa hotel.

Nauna nang idinawit ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang mga magulang at boyfriend ni Chua sa kaso.

Ang ama ni Chua na si Allan ang sumundo rito sa hotel noong Disyembre 23 habang ang ina niyang si Gemma ang naghatid dito pabalik sa hotel noong Disyembre 25. Kasama naman ni Chua sa bar ang boyfriend na si Rico Atienza noong Disyembre 23. (Betchai Julian)

The post ‘Poblacion Girl’ guilty sa pagrampa habang naka-quarantine first appeared on Abante.

from Abante https://ift.tt/uHwrjKW
via IFTTT

Comments

Popular posts from this blog

Shastaloo kakaripas sa Challenge Race

PBBM level: Andrew E. 1 batalyon bodyguard sa Canada