Robin iritado na dinedma sa Cha-Cha hearing

Hindi maitago ni Senador Robin Padilla ang pagkairita sa pandededma umano ng ilang opisyal ng pamahalaan sa pagdinig ng Senate committee on constitutional amendments and revision of codes kaugnay sa panukalang pagbabago sa Saligang Batas o kilala sa tawag na Charter Change (Cha-Cha).
“Hindi ko maintindihan kung bakit hirap na hirap ang Senado na mag-imbita ng ibang secretary. Hindi ko po alam sapagka’t itong Constitution natin ngayon sa 1987, ang sinasabi nito, merong balanseng kapangyarihan ang legislative at ang executive. Ibig sabihin pantay tayo ng kapangyarihan. Kapag inimbita sana ang taga-executive sana po ay mapagbibigyan nyo kami sapagka’t dito `di kami mga marites o parites… Itong bagay na ito ay hindi isang bagay na isinasantabi sapagka’t Saligang Batas po ito,” sabi ni Padilla, chairman ng komite.
Nabatid na tatlong beses nang nagpatawag ng pagdinig ang komite para sa panukalang Cha-Cha.
Naniniwala na senador na hindi ganito ang mangyayari kung magiging parliamentary system ang Pilipinas.
“Gusto natin bumalanse pero kung ganyan ang maabutan natin dito mag-parliamentary na lang tayo, wala na pong pag-uusapan dito kundi mag-parliamentary na tayo para harap-harapan tayo. Ang hirap nito sa taguan, hindi ako sanay sa taguan,” giit pa ni padilla na sinuportahan naman ni Senate Minority Leader Aquilino `Koko’ Pimentel III.
Maging sina Senador Ronald dela Rosa at Francis Tolentino ay sang-ayon sa obserbasyon ni Padilla. (Eralyn Prado)
from Abante https://ift.tt/RhBl4Tj
via IFTTT
Comments
Post a Comment