Work from home pa more Diokno tiklop sa mga call center

Pumayag na si Finance Secretary Benjamin Diokno na ituloy ang kasalukuyang work from home arrangements ng mga kompanyang nasa information technology and business process management sa ecozones ang tanggapan hanggang sa magkaroon ng pinal na desisyon dito.
Ang work from home ay naunang dineklarang magtatapos sa Setyembre 12, 2022.
Sabi ni Diokno, dahil malapit na ang expiration, makatarungan lamang na payagang ipagpatuloy ito hanggang sa magkaroon sila ng pinal na desisyon dito.
Dagdag ng Department of Finance, kasama na ang request ng Philippine Economic Zone Authority na patagalin pa ang work from home arrangements ng mga IT-BPM company sa agenda sa meeting ng Fiscal Incentives Review Board sa Setyembre 15.
Pabor ang mga IT-BPM company sa pagpapalawig ng work from home arrangements dahil nakatutulong ito para hindi magbitiw ang kanilang mga tauhan.
Karamihan sa mga ito ay nasa ecozones kung saan mas maganda ang mga pabuyang ibinibigay sa kompanya para mahikayat silang mag-invest sa mga industriyang kumikita ng dolyar para sa bansa tulad ng call centers.
Dahil sa bantang tatanggalin na ang pabuya ng mga nasa ecozones na IT-BPM companies, naghahanap na ang iba sa kanila ng ibang mga puwesto kung saan maaaring naka-work from home pa rin ang kanilang mga tauhan. (Eileen Mencias)
from Abante https://ift.tt/Ty65AKE
via IFTTT
Comments
Post a Comment